"Alagaan ang Kalikasan"
I
Nang unang panahon, kay gandang pagmasdan Bughaw na karagatan, bundok na luntian.
Masarap na tubig, galing sa batisan.
Sariwang hangin, presko sa pakiramdam.
II
Noon, sabi nila'y malulusog ang tao
Dahil kalikasa'y alagang totoo.
Pero ngayon kay raming sakit sa mundo,
Sino ang may sala sa pangyayaring ito?
III
Walang mapapala kung magsisisihan.
Polusyon sa paligid, dapat solusyunan.
Maghanap tayo ng mga paraan
Upang mapaganda ang kinabukasan.
IV
Mga kalbong bundok, may pag-asa pa rin
Kung magbubuklod tayo mga ito'y sagipin.
Lahat ng mamamayan ay hikayatin natin.
Ating pagtulungang muli ang pagtatanim.
V
Ang basura nati'y huwag nang itambak,
Huwag ding itatapon sa ilog at dagat.
Baha at sakit dala dala ng basurang ikinalat.
Itapon nang tama nang di tayo mapahamak.
VI
Problema sa itim na usok at lasang kemikal,
Na sa ozone layer ay panganib di naman.
Pag-isipang mabuti ang solusyon diyan
Upang matinding init ating maiwasan.
VII
Pangalagaan natin ang ating kalikasan,
Buhay mo't buhay ko'y rito nakasalalay.
Ating pagtulungang maibalik ang buhay
Ng biyayang handog sa sangkatauhan.
-Ray John T. Julian


Comments
Post a Comment